News TOP

News Detail

‘Breakthrough’: Julie Anne San Jose explores different music, new record label



Pormal nang inilunsad kamakailan ni Julie Anne San Jose ang kanyang kauna-unahang album sa ilalim ng Universal Records. Pinamagatang “Breakthrough,” naglalaman ito ng pitong kanta na magpapamalas ng lalo pang pagtingkad ng kanyang musika kung saan kabilang sa album ang kanyang sariling kathang musika, kolaborasyon at pagsubok ng ibang genre.

‘Pop Sweetheart’ no more?

Sa media conference ng kanyang album, malugod na ibinahagi ng Asia’s Pop Sweetheart ang isang bagong yugto ng kanyang music career. Aniya, sa Breakthrough ay naiibang Julie Anne na hindi pa-sweet at balladeer ang mapapakinggan.

Ikinatuwa rin daw niya na makatrabaho ang ibang music artists gaya ng naka-collaborate niya sa “Love The Way You Love Me” single niya. Kwento ni Julie Anne ay hangang-hanga siya sa sumulat nito na si Marcus Davis, isang award-winning music producer. Mayroon daw itong sariling music studio at siya rin ang nag-aareglo ng mga kanta nito. Ito rin katunayan ang umareglo ng iba pa niyang kanta.

Sa ibang banda, hindi nalalayong maging music producer at hindi lang basta singer ang “Guitar Princess” star. Ibinahagi niyang kaya niyang tumugtog ng hindi baba sa limang instrumento at nakakapagsulat din siya ng kanta gaya ng “Tayong Dalawa.” Ginawa niya raw ang Tayong Dalawa lagpas isang taon na ang nakalilipas at orihinal niyang ginawa para sa isang kakilala na may pinagdadaanan sa long distance relationship nito. Napagdesisyunan daw niya na ilagay ang kanta sa kanyang album pero gusto niyang hindi ito ballad. Kaya sa areglo ng hit maker na si Davis ay naging RnB ito.

“I’m happy naman about it (albums nagawa dati), but I just feel like I’m growing up also. I want to try new stuff that I can to offer to other people, especially my fans,” saad pa ng Kapuso singer-actress na kung sumulat daw ng kanta ay gustong tapusin sa isang upuan lang.

Ang iba pang kanta sa album ay ang “Ways,” “Down For Me,” “Recall,” “Nothing Left,” at ang orihinal na kanta ng Parokya ni Edgar na “Your Song (My One and Only).”

Gaya ng Tayong Dalawa ay naunang nailunsad ang Nothing Left at nag-top 1 sa All-Genre Chart sa iTunes nang ilunsad ito.

Pero bakit nga ba Breakthrough ang pamagat ng kanyang album sa bago nitong record label? Sabi ng “Sunday Pinasaya” mainstay ay bigla na lamang niya iyong naisip sa kalagitnaan ng traffic. Subalit kinalaunan naman ay napagtanto niyang “meant to be” daw ang title nito.

Wants to innovate

Excited ang dalaga na makatrabaho pa ang ibang artists lalo na iyong nasa Universal Records. Kung papipiliin ay gusto raw niyang makatrabaho ang hit young rapper na si Shanti Dope. Subalit, ano nga ba ang nagtulak sa kanya upang lumipat ngayon sa Universal Records?

“It’s always good to innovate more and explore another world. Nag-try naman ako and it turned out well. I’m just happy with Universal Records kasi sobrang maalaga sila,” sagot ni Julie sa panayam ng Pinoy Gazette. “They take care of me at saka iba, iba talaga.”

Sinab rin ni Julie Anne na gusto lang niya ay gumawa ng musika at kumanta. Wala naman daw sa kanya ang sinasabi ng ibang tao na mataas na ang kanyang estado at label. Bunsod nito ay tinanong na rin siya ng Pinoy Gazette kung may pressure ba na mabansagan siyang Asia’s Pop Sweetheart.

“Actually ‘di ko alam saan nanggaling ‘yon. I just woke up one day and they called me Asia’s Pop Sweetheart. I think that started noong gumagawa ako ng mga covers [sa Youtube] like one of the very firsts ay “Super Bass.” ‘Yong mga comment that time galing sa iba’t ibang bansa. Hindi ko rin alam paano, but I’m happy, blessed, and grateful to be given that title,” Ani Julie Ann, na aminadong gustong mapuntahan din ang Japan, bagay daw ang kanyang kantang Tayong Dalawa sa mga OFWs.

Bukod sa mga local record bars, makakakuha rin ng kopya ng Breakthrough online gaya sa Spotify, iTunes, Apple Music, Spinner, at iba pa.

MJ Gonzales / Pinoy Gazette