News TOP

News Detail

Sarah G, napiling kinatawan ng PH sa 2nd ASEAN-Japan Music Festival



Nakatakdang magtanghal ang Pop Princess na si Sarah Geronimo sa 2nd ASEAN-Japan Music Festival na gaganapin sa NHK Hall sa Shibuya sa darating na Oktubre 4.

Si Sarah ang napiling kinatawan ng Pilipinas para magtanghal sa music festival kung saan siya lamang ang nag-iisang Pilipino na magiging bahagi ng konsyerto.

Matatandaan na ang Kapuso actor-singer na si Christian Bautista ang naging kinatawan ng bansa sa unang ASEAN-Japan Music Festival na ginanap noong 2013 kasabay nang pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng ASEAN-Japan Friendship and Cooperation. Layon nito na kilalanin at pasalamatan ang mga ASEAN countries sa kanilang ginawang pagtulong sa Japan kasunod ng lindol at tsunami na tumama sa bansa noong Marso 11, 2011.

Kasamang magtatanghal ni Sarah ang iba pang mang-aawit mula Japan at ASEAN countries na kinabibilangan ng grupong w-inds, KANJANI, Nogizaka46 pati na rin ang mga singers na sina Natsuko Godai, JSBⅢ Ryuji Imaichi at JSBⅢ Hiroomi Tosaka ng Japan; Fakhrul Razi ng Brunei Darussalam; Preap Sovath ng Cambodia; Andien ng Indonesia; Alexandra Bounxouei ng Laos; Siti Nurhaliza ng Malaysia; Sai Sai Kham Leng ng Myanmar; Taufik Batisah ng Singapore; Tachaphon (Palaphol) Pholkongseng ng Thailand at Dong Nhi ng Vietnam.

Papangunahan ni Special Ambassador for Japan and ASEAN Ryotaro Sugi ang konsyerto habang sina Hikaru Nishida at Pikotaro naman ang magsisilbing emcee.

Ang 2nd ASEAN-Japan Music Festival ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-45 anibersaryo ng ASEAN-Japan Friendship Cooperation.

Florenda Corpuz / Pinoy Gazette