News TOP

News Detail

Product sourcing: Tamang pagpili ng produktong ibebenta



Kung pagdating sa mapagpipilian ay maraming produkto na pwedeng subukan para inegosyo. Mayroong uso ngayon sa merkado, malapit sa iyong puso, o bago at kakaiba sa karaniwan. Tunay ngang sa pagpaplano pa lamang ay mahalaga na maging sigurado sa produkto na iyong mapagkakakitaan. Para masagot ang pwedeng bagay na mainenegosyo, narito ang ilang dapat iwasan:

Matinding kumpetisyon. Iba ang uso sa masyado ng maraming kakumpetensya sa pagbebenta. Ang unang hamon dito ay pagbangga sa mga matatag ng kumpanya na mayroong matapat na mga kliyente at maayos na sistema. Mahirap ito para sa mga nagsisimula pa lang na makipagbanggaan sa malalaki na. Dahil kailangan nitong doblehin ang kayod para magpakilala at makakuha man lang nang kakarampot na porsyento ng merkado.

Ang isang taktika na ginagawa ng karamihan patungkol sa kumpetensya ay tiyagain na magbenta sa mas mababang halaga. Subalit sa karaniwan, hindi nababawi ang pagbebenta sa mababang presyo at dahilan ng pagkalugi kinalaunan.

Produktong mura. Kung isasalin ang salitang “cheap” ay nangangahulugan ito na mura o mababang uri. Mainam kung ito ay tungkol lamang sa mababang presyo. Subalit kung ito ay tungkol din sa mababang kalidad ay magkakaroon ng hindi magandang reputasyon sa pagnenegosyo.

Kaya sa halip na sa “cheap,” gawing misyon ang makapagbenta ng “sulit” at “abot-kayang” produkto. Tandaan na iba pa rin na ang may kalidad na produkto ang binabalik-balikan at hinahanap-hanap ng mga tao.

Hindi mabenta. Ang pagpili ng produkto ay hindi lamang tungkol sa presyo at popularidad, ito rin ay pagpulso sa kung saan, kanino, at kailan ka magbebenta. Tandaan na may mga bagay na mabili depende sa panahon at kagustuhan ng mga tao. Halimbawa ay mahirap mag-alok ng mga milk tea kung nasa tagong lugar ang iyong puwesto at kapag tag-ulan o tag-lamig. Dagdag din dito ang pagkasawa ng mga mamimili at hindi nila pagkagat sa produkto na walang halaga sa kanila. Isang halimbawa nito ay may mga makabagong gadgets na hindi pa mabili ngayon, pero mauuso sa mga susunod na taon at ibang lugar.

Kung sakali man may hindi mabenta sa hanay ng iyong mga produkto, makabubuti na tanggalin ang mga ito kaagad. Napakainam din na palaging inaaral ang mga parokyano para maging maalam sa kung ano ang produkto para sa kanila.

Hindi mo kayang ibenta. Sa larangan ng pagbebenta ay mahusay kung kaya mong ihiwalay ang iyong personal na hilig sa kung ano ang gusto ng iyong mamimili. Subalit mas mainam kung malinaw sa iyo kung ano ang kaya mong ibentang produkto.

Halimbawa ay beauty products gaya ng sabon, make-up, cream, facial mask, at ibang kauri nito na gusto mong ialok. Sa dami ng klase at brand na pampaganda ay posibleng may hindi ka kilala at personal na ginagamit. Kung susuriin pati ay may kanya-kanya pananaw ang mga tao sa pagpapaganda at handang pagkagastusan.

Sa mga produktong hindi mo pa lubos na kilala, pwede mo namang pag-aralang mabuti ang bawat aspeto ng mga ito. Ang hangganan lamang ay alin sa mga ito ang kaya mong ibenta lalo na kung pagbabasehan ang iyong mga kliyente.

May mga taong handang bumili kahit mahal, may maselan sa mga sangkap o brand, at mayroon din na hindi masyado maalam sa magagandang klase. Kaya maliban sa payong galingan sa pagbebenta, makabubuti na pumili ng partikular na produkto na mabenta at kaya mong ibenta. Ito ay para na rin hindi masayang ang iyong panahon at perang ipupuhunan dahil hindi mo kayang paghirapang ibenta.

Pinoy Gazette