News TOP

News Detail

Magbigay o magpautang: Alamin kung kailan poprotektahan ang iyong pera



Isa sa nailathalang artikulo rito sa Pinoy Gazette ay may kinalaman sa magandang maidudulot ng pagkakawanggawa. Ito ang pagpapainam ng sarili, pakikipagkapwa, at paraan ng pagnenegosyo. Sa ibang banda ay kailangan din naman na maging maingat sa pagtulong para sa iyong ikabubuti, ng iyong pananalapi o negosyo, at maging ng iyong tutulungan. Sadyang may mga taong ‘di kailangan ng tulong dahil sanay silang mangutang.


Magbigay sa nangangailangan


Hindi maiiwasan na may mga taong umaabuso sa kabaitan ng iba. Ang ilan sa kanila ay hindi lang basta gipit sa pera kundi sanay mangutang o sa pangungutang umuusad ang pamumuhay. Kaya kailangan na maging maingat dahil baka sa bandang huli ay ikaw na ang tumulong ay ikaw pa ang mapasama.

Huwag magpahalata. Ang isa sa nangungunang hakbang para makaiwas sa mga sanay mangutang ay limitahan o huwag magbahagi tungkol sa iyong pinansyal na estado. Ang pagkukuwento sa detalye ng iyong mga ari-arian at pera kung kani-kanino ay parang panghahalina rin sa mga mangungutang o kawatan. Hayaan mong ang paraan mo sa pamumuhay ang magpahayag kung ano o sino ka. Kung sakali man na may mangungutang sa iyo ay pihadong mga kakilala mo o nakakakilala lamang sa iyo.


Huwag hayaan na abusuhin ka. Ang masaklap sa ilang mga sanay mangutang ay hindi sila ibang tao sa kanilang hinihiraman ng pera. Siyempre walang masama ang tumulong sa mga kamag-anak, kaibigan, o matagal ng kakilala. Subalit may sitwasyon na sa sobrang pagiging matulungin ay hinahayaan mo na palang dumipende sa iyo. Ang isang klase ng ganitong samahan ay tinatawag na “codependency relationship.”

Ang codependency relationship ay relasyon sa pagitan ng taong palaasa at makasarili at taong nangungunsinti. Halimbawa nito ay isang asawa na nagbibigay ng sustento sa kabiyak na may bisyo, alam man niya o hindi pa. Maaaring may nakataya kung bakit hinahayaan ng tagabigay na umasa sa kanya ang isa pero masasabing hindi malusog ang ganitong relasyon.

Sa larangan ng pananalapi, ang codependency relationship ay siguradong pasakit sa tagabigay. Posible rin na hindi kailangang kamag-anak o asawa ang “dependent” at direkta ang pagkuha ng pera. Marami rin namang paraan upang ikaw ay mautangan nang paulit-ulit. Ilan na nga sa halimbawa nito ay pagiging “guarantor” sa utang at pagpapagamit ng credit card.

Huwag magpahiram ng ‘di mo kayang mawala sa iyo. Ang pagkakaiba ng pagpapautang sa pagbibigay ay nasa pag-asam ng tao. Kapag bigay ay alam mong walang obligasyon na ibalik ang pera. Kapag utang naman ay aasa na ibabalik ang pera sa napag-usapang petsa, may interes man ito o wala.

Sa kasamaang palad ay kapag nagpautang ka ay may tiyansa na hindi na maibalik sa iyo ang pera. Maaari rin na masyado lamang atrasado sa petsa o kulang na ang halagang maibabalik sa iyo. Kaya para sa seguridad sa walang garantiyang pagbabalik ng pera, isa sa ipinapayong gawin ay magpahiram ng halagang kaya mong mawala sa iyo. Huwag mong paabutin sa halagang pipilay sa iyong negosyo, investment, at lalo na sa iyong budget.

Kilatisin ang mga sanay mangutang

Mahirap maghusga ng tao dahil tiyak naman may mga taong nangangailangan ng tulong. Subalit para masiguro na sila ang iyong mapagbibigyan, narito ang ilang indikasyon ng mga taong sanay mangutang:

Nagigipit kasi magastos? Iba ‘yong gipit lang kaysa laging nagigipit. May dahilan kung bakit palaging nagkukulang ang pera at isa na rito ay dahil sa kanyang pagiging magastos. Maaaring kaya laging wala itong pera ay dahil bili nang bili ng mga bagay na hindi naman n’ya kailangan.

Nagtatago sa ibang inutangan? Kung nagtatago ay bakit niya ito ginagawa? Ang taong sanay mangutang ay magaling din humabi ng kwento at drama. Sasakyan mo ba o aalamin kung ano ang dahilan ng kanyang maraming utang?

Naalala ka kada kailangan niya ng pera? May mga pagkakataon na hindi mo iindahin ang inuutang sa iyo dahil maliliit lamang ang halaga. Pero kung dumadalas na at hindi pa nababayaran ang ibang pagkakautang sa iyo, nasanay na sa iyo o sinanay mo?

Lorenz Tecson / Pinoy Gazette