News TOP

News Detail

Tatlong simple pero epektibong paraan para maging mahusay sa paghawak ng pera



Isa sa pinakamahirap matutuhan na kasanayan o disiplina ay “self-control.” Kaya nga rin napakahirap gawin ang ilang mga bagay tulad ng pagba-budget, pag-iipon at money management. Anu-ano nga ba ang mga pamamaraan para maging disiplinado at mahusay sa paghawak ng pera?


Ikundisyon ang sarili sa tamang paghawak ng pera


Madalas ay hindi kaya ng inspirasyon o udyok lang para matutuhan ang isang mahalagang bagay. Mahirap baliin ang nakasanayan at lumang paniniwala kaya kailangang ikundisyon ang sarili. Para makundisyon ka sa tamang paghawak ng pera ay marapat lang na kumportable kang isipin at gawin ito. Maaari mong simulan ito sa pamamagitan ng:

Manood nang manood ng pelikula. Magandang manood ng pelikula na tungkol sa money management. Bukod sa nakakaaliw, para ito sa mga mahilig sa visuals at maari mong mabalik-balikan ang mga eksena, dialogue, at mensahe ng istorya. Maganda rin ito dahil walang nakakaabalang patalastas.

Ilan sa rekomendadong pelikula na may tema tungkol sa pananalapi ay ang “The Pursuit of Happyness,” “Slumdog Millionaire,” “The Wolf of Wall Street,” “The Wall Street,” “Jerry Maguire,” “Money Pit,” at “Confession of a Shopaholic.”

Maglaro ng may kinalaman sa pagiging responsable sa pera. Lalo na sa mga bata, mainam ang mga board games at mobile games na nagtuturo na maging responsable sa paghawak ng pera. Tipong kapag ‘di ka mag-iingat ay matatalo ka. Ilan sa sikat na games tungkol sa money management ay ang “Millionaires,” “Monopoly” at “Cashflow.”

Magbasa at magsulat ng tungkol sa pera. Ang technique na ito ay para sa lahat ng mag-aaral at epektibo rin sa pag-aaral ng money management. Ang ideya ay kapag gumagana ang kamay, isip, at mata ay mas maigi dahil mas marami kang pandamang nagagamit. Kung gayon ay mas malaki ang porsyento na maaalala at magmamarka sa iyong isipan ang iyong pinag-aaralan. Para rin itong pagsusulat sa blog, diary, journal, planner, at kuwaderno.

Ang iba pang pwedeng gawing aktibidad ay makinig ng audiobook, dumalo sa seminar, at sumali sa mga organisasyon na nagtuturo ng money management.


Pagtuunan ang aksyon kaysa sa pagkukuwenta

May mga taong umaayaw sa kanilang pangarap dahil ang iniisip kaagad nila ay kung gaano ito kahirap gawin, kaliit na bagay, o kalaking sakripisyo. Kung nag-aalangan ka kung paano mo palalaguin ang iyong pera, iyan ay posibleng dahil pinupuno mo ng paninimbang ang iyong isipan. Ang isang tawag sa ganitong pag-uugali ay “analysis paralysis” o iyong sobrang pag-aanalisa sa ideya na nagpapatagal hanggang sa wala ng nakamit na resulta.

Tama na may plano pero walang perpektong plano. Malalaman mo lang kung ano ang dapat sundin at ibahin, kung una ay sisimulan mo na itong gawin. Ganito rin sa pag-iipon ng pera, pagtitipid, pagnenegosyo o pamumuhunan. Kung natatakot ka, kulang pa ang iyong nalalaman pero kung gusto mong may marating ay kailangan mo lamang ay umaksyon.


Pag-aralan na maging praktikal

Ang isa pang lubhang nakakaapekto sa self-control at paghawak ng pera ay mga panlabas na salik. Nangunguna na rito ang mga taong malapit sa iyo o hinahangaan mo na may ibang istilo sa paghawak ng pera. Maaaring may makuha namang maganda sa kanilang sinasabi subalit maging mapanuri at salain ang iyong tatanggaping ideya. Kapag maganda ay maaari namang subukan pero kung hindi ay ipagkibit-balikat na lamang ito.

Sa ibang banda, kung nakundisyon at nakatuon na ang iyong isipan sa tamang paghawak ng pera ay madali na sa iyo ang pagharap sa kritisismo o ibang opinyon. Mapagtatanto mo na rin kung ano ang dapat baliin, panatilihin, at paano magpapakatatag para makamit ang iyong layunin.

MJ Gonzales / Pinoy Gazette