News TOP

News Detail

Ang mga dapat alamin tungkol sa franchise business



Patok ang negosyong franchising dahil na rin sa mga nagtagumpay sa ganitong konsepto. May ilan pa nga na nakapagtayo ng ilang branches gayon din ng iba’t ibang klase ng franchise business. Ibig bang sabihin nito ay may kasiguraduhan na magtatagumpay ka rin kapag pinasok mo ang franchise business?


Ang kainaman ng franchising


Gabay at ayuda, ito ang mga nangungunang salik kung bakit mas mainam ang franchising kaysa ordinaryo at tradisyunal na pagtatayo ng negosyo. Ang hamon kasi sa mga bagong negosyante ay ang pagsubok nila sa pagbebenta, pagpapakilala, at pamamahala ng operasyon ng kanilang negosyo.

Sa franchising ay masasabing may ilang shortcuts sa ilang proseso dahil nailatag na ang konsepto, sistema, at pagpapakilala ng negosyo. Ang halos gagawin na lamang ng franchisee ay sundan ang yapak ng franchisor.

Dahil sa subok na ang franchise business ay sinasabing mas mababa ang porsyento ng pagkalugi rito para sa isang nagsisimulang negosyante. Ayon sa Philippine Franchising Association (PFA), 25 porsyento ang tyansa na magtagal ang isang tradisyunal na negosyo habang 90 porsyento hanggang 95 porsyento naman sa franchise business.


Bakit mayroon pa rin na nalulugi?

Bagaman malaki ang survival rate ng franchising ay hindi ito sapat para masabing magiging mainam ito sa kahit kanino. Sa huli ang franchisee pa rin ang magpapalago o magpapalugi sa kanyang kinuhang franchise business. Nasa kanyang kamay kung paano niya haharapin ang mga hamon sa kanyang negosyo. Katunayan ay may ilang hindi pinalad sa pagpa-franchise dahil mismo sa kanilang saliwang prinsipyo tungkol sa franchising. Narito ang ilan sa mga ito:

•Madali ang kita. Totoo na maraming nagtagumpay sa pagpa-franchise pero hindi ibig sabihin nito ay naging madali ang lahat para sa kanila. Maaaring bilang franchisee ay matutulungan ka sa pagsasanay ng tauhan, pagkukunan ng produkto at kasangkapan, at promosyon. Pero ang lahat ng ito ay hindi siguradong magsasaad ng iyong kikitain. Kagaya ng ibang klase ng kabuhayan, kinapapalooban pa rin ang franchising nang masusing pag-aaral, matinding sipag, at personal na pamamahala.

•Sikat kaya okay na. Ang franchising ay isang pamamaraan ng pagnenegosyo at maraming franchise business sa merkado. Dapat ay malinaw sa franchisee na hindi lahat ng business model ay ayos na para sa kanya. Papasok pa rin sa aspetong ito kung ano ba ang kanyang hilig, lokasyon, kakayahan o talento, klase ng pamumuhay, at iba pa.

•May katibayan ang franchisor. Ang franchising ay isang relasyon sa pagitan ng franchisor at franchisee. May pagkakataon na posibleng sikat ang inaalok na produkto o serbisyo ng isang franchisor subalit maaaring hindi siya ang tamang piliin. Dito dapat suriin ang kanyang kredibilidad, sistema, tatag ng kanyang kumpanya, at hanggang saan ang kaya niyang itulong sa iyo.


Ang masaklap sa ibang franchisor ay wala silang paki sa tagumpay ng kanilang franchisee. Kalimitan sa kagaya nila ay iyong basta nagbibigay ng prangkisa ng hindi sinasala ang kapasidad ng franchisee. Lalo na roon sa mga franchisor na may pangalan ay maingat sila sa pag-apruba sa kukuha ng kanilang franchise. Bakit? Iniingatan nila na hindi masira ang kalidad at imahe ng kanilang brand. Ito rin ang dahilan kung bakit may ibang kumpanya na mas pinipili na magkaroon ng branches kaysa mag-alok ng franchise.

Maliban sa mga nabanggit ay marapat lamang na tandaan na maging maingat lalo sa pag-aanalisa ng kontrata. Kadalasan ito ang nagiging sakit ng ulo ng mga naunang franchisee dahil nabibigla sila sa mga pinapataw na babayarin, alintuntunin, at limitasyon ng kanilang franchise business.

MJ Gonzales / Pinoy Gazette