News TOP

News Detail

Ano nga ba ang tamang retirement age?



Sa pagkakaalam ng marami ay simula 60 hanggang 65 ang edad ng pagreretiro. Sa panahon ng “millennial generation,” ito ay hindi na kailangang hintayin pa. Ang layunin dapat ay magkaroon ng matatag na pananalapi para makapagretiro nang maaga. Ang ideyang ito ay lalong pinaigting ng sumisikat na ideyang FIRE o Financial Independence, Retire Early na mayroong online community.


Bakit ka naghahanap-buhay?


Normal na sa maraming Pinoy, nasa Pilipinas man o ibang bansa, ang nakadepende sa isang klase ng hanapbuhay. Awtomatiko na kapag may trabaho o negosyo ay may kita at kapag nagtiyaga ay magiging pensionado balang araw.

Sa konsepto ng FIRE, isinasaad dito ang pamumuhay na karaniwang tinatamasa ng mga nagretiro na. Hindi lamang ito nakatuon sa pagkakaroon ng maraming pagkakakitaan at marangyang estado.

Ang inspirasyon sa likod ng FIRE ay ang librong “Your Money or Your Life” na akda nina Vicki Robin. Ang laman ng libro ay hango sa kanyang personal na karanasan at ideya kasama ang kanyang kaibigan na si Joe Dominguez. Ang unang bersyon ng libro ay lumabas pa noong 1992 at hanggang ngayon ay umiikot sa social networking site na Reddit.

Sa kanilang libro at financial workshops, ibinahagi nila Robin at Dominguez ang mga hakbang para makamit ang “financial independence.” Hindi nila masyadong pinagtuunan kung paano magkaroon ng marangyang buhay kundi kung paano malaman kung ano ang dapat at sapat para maranasan ang mahayahay na pamumuhay.


Paano magreretiro nang maaaga?


Para mabuhay na parang retirado na ay kailangan makamit ang financial independence kaagad. Sa nabanggit na libro, tinukoy na mahalagang masuri ang estado ng pananalapi. Kasama rito ang masinsinang pag-aanalisa ng iyong kita at saan ito ginagastos. Ikaw ba ay kumikita ng malaki pero mas malaki rin ang iyong ginagastos? Dapat din umanong maging mapanuri kung sulit ba ang iyong binibili. Mahalaga ito dahil bukod sa perang kinita, nakapaloob rin umano sa ipinapalit sa biniling gamit ay ang bahagi ng iyong buhay.

Halimbawa na matukoy mo na ang kita mo kada oras ay Php500 o Php1,000 at bumili ka ng mobile phone na halagang Php25,000, papatak na ang kapalit nito ay 50 oras ng iyong panahon. Masusulit mo ba ito o hindi mo naman kailangan para maging liabilities? Sa halip, pwede rin ilaan ang Php25,000 sa isang investment na kapag naglaon ang interes ay kayang lagpasan pa ang halaga ng iyong gastusin.


Pagiging matipid at praktikal


Maraming paraan para mamuhay nang matipid at praktikal. Ayon sa ulat ng TIME Magazine, si Robin ay marunong sa mga praktikal na gawain gaya ng simpleng pagkukumpuni ng sasakyan. Ang kanyang mga kaalaman at katipirian ang dahilan kaya nagagawa nitong maging financially independent.

Samantala, ang iba pang ipinapayong agresibong paraan upang maging matatag ang pananalapi ay magkaroon ng sari-saring mapagkakakitaan o sidelines, gayon din ang pag-iwas sa pag-utang na ang interes ay higit pa sa interes ng iyong kinikita. Sa kabuuan, pinatutunayan ng ideya ng FIRE na ang tamang paghawak ng pera ay hindi lamang tungkol sa pagyaman o pagkakaroon ng maraming pera. Sa halip ay ipinamamalas nito na kayang magamit ang pera at ang tamang paghawak nito para magkaroon ng kapayapaan at kapahingahan.

Pinoy Gazette