News TOP

News Detail

Groundbreaking para sa itatayong drug facility na popondohan ng Japan, isinagawa



Opisyal nang sinimulan ang pagtatayo ng isang drug abuse treatment and rehabilitation center (DATRC) na pinondohan ng gobyerno ng Japan sa pamamagitan ng groundbreaking ceremony kamakailan sa Trece Martires City, Cavite kung saan itatayo ang nasabing pasilidad.

Itatayo ang DATRC sa limang ektaryang lupain na donasyon ng lokal na pamahalaan ng Cavite na lalagyan ng 500 kama. Inaasahan na magiging operational ito pagsapit ng taong 2020.

Ang proyekto ay bahagi ng ¥1.85 bilyong programa ng Department of Health (DOH) at Japan International Cooperation Agency (JICA) na tinawag na “Programme for Consolidated Rehabilitation of Illegal Drug Users (CARE).”

Layon nito na mapabuti ang operational at service standards ng DOH para sa mga recovering drug dependents at makagawa ng information materials tungkol sa preventive education and awareness laban sa illegal drugs.

Pinangunahan nina Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda, JICA Chief Representative Yoshido Wada, DOH Undersecretary Roger Tong-an at Cavite Governor Jesus Crispin Remulla ang groundbreaking rites.

“We see this treatment and rehabilitation center (TRC) as a ray of hope for those shackled by the bonds of illicit drugs, giving them a clean slate to start life anew,” ani Haneda sa kanyang talumpati.

“Through this TRC, we’d like to support DOH’s efforts in rehabilitating drug dependents and integrating them back to society,” saad naman ni Wada.

Ayon sa pag-aaral ng DOH at JICA, sa halos 3,000 recovering drug users na na-admit sa mga TRCs, 38 porsyento ay walang perang kinikita habang ang iba naman ay hindi aabot sa isang libong piso ang kita.

Sa datos naman ng Dangerous Drugs Board noong 2015, nasa 53 porsyento ng mga drug dependents sa Pilipinas ay walang trabaho.

Sa kasalukuyan ay may 53 DOH-accredited treatment and rehabilitation centers sa bansa.

Isa ang laban kontra droga sa mga prayoridad ng administrasyong Duterte.

Florenda Corpuz / Pinoy Gazette