News TOP

News Detail

Pilipinas nagsagawa ng investment roadshow sa Japan



Pinangunahan ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez ang delegasyon ng Pilipinas sa ginanap na 2018 Investment Roadshow sa Japan kamakailan.

Dinaluhan ni Lopez ang serye ng investment seminars na ginanap kamakailan na layong mahikayat ang mga pangunahing kumpanyang Hapon pati na rin ang ang mga small at medium enterprises na may kinalaman sa auto parts, electronics, manufacturing at shipbuilding na mamuhunan sa Pilipinas at makilahok sa pag-unlad nito.

“The Philippines is on an economic breakout. It is the perfect time to invest and do business in our country, which has a 6.8% GDP growth and an 8% growth in manufacturing industry. We are the best country to invest in,” ani Lopez sa mahigit sa 400 Japanese manufacturing companies.

“We are very keen in engaging with Japan, especially on the aspect of manufacturing and innovation, and how we can work together to strengthen not only manufacturing but the MSMEs in their value chain as well,” dagdag pa niya.

Isa ang manufacturing sa mga industriya na prayoridad sa ilalim ng Inclusive, Innovation-led, Industrial Strategy (I3S) ng DTI. Sakop nito ang electronics, automotive, shipbuilding, aerospace at furniture.

Ayon kay Lopez, ang Japan ang pangunahing pinagkukunan ng foreign investments ng bansa at nagbibigay ng technical assistance na nagbubukas ng mas maraming trade at investments sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) and Japan External Trade Organization (JETRO).

Tumaas sa 7.8 bilyong piso ang approved investments sa manufacturing industry mula Japan noong unang quarter ng 2018 kumpara sa parehong quarter ng nakaraang taon na nasa 503 milyong piso.

Binida ni Lopez ang reporma na ipinapatupad ng administrasyong Duterte tulad ng streamlining at mas pinadaling government processes para mapabilis ang pagsasagawa ng negosyo sa Pilipinas, infrastructure development at pagbubukas pa ng sektor para sa foreign equity participation.

Binanggit din niya ang modernisasyon ng investment incentives sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion Act Package 2 (TRAIN 2) pati na rin ang Free Trade Agreement (FTA) ng Pilipinas kasama ang Japan at European Free Trade Association, ang partisipasyon ng Pilipinas sa Generalised Scheme of Preferences Plus (GSP+) ng European Union at sa Generalized System of Preferences (GSP) ng U.S.

“We have identified opportunities for Japanese auto parts makers to locate around the Toyota and Mitsubishi manufacturing plants in Laguna,” aniya.

Binanggit din ng kalihim sa pag-uusap ang kalakalan sa mga serbisyo partikular ang mga Pinoy professionals sa larangan ng science, engineering, tourism, healthcare at construction services. Iaalok din ng mga Japanese shipbuilding companies sa mga Pilipino ng mas maraming pagsasanay at internship slots.

Pinoy Gazette