News TOP

News Detail

500-M Japanese bumisita sa Pilipinas ngayong 2017



Nakapagtala ng halos kalahating milyong turistang Hapon ang Pilipinas sa unang 10 buwan ng taon.

Ayon sa tala na inilabas ng Department of Tourism (DOT) kamakailan, umabot sa 490,857 o 8.97 porsyento ng overall inbound total ang mga turistang Hapon na bumisita sa bansa mula Enero hanggang Oktubre 2017.

Inokupa ng mga turistang Hapon ang ikaapat na pwesto sa pinakamaraming bilang ng mga foreign tourist arrivals sa bansa.

Umabot naman sa 5,474,310 ang total international arrivals sa bansa, mas mataas ng 11.54 porsyento kumpara sa 4,908,017 overall inbound total sa unang 10 buwan ng 2016.

Bukod sa turistang Hapon, nakapasok din sa top 5 ang South Koreans na umukopa sa unang pwesto na may bilang na 1,332,141 arrivals na katumbas ng 24.33 porsyento ng total arrivals.

Sinundan ito ng Chinese sa 810,807 arrivals na bumuo sa 14.81 porsyento ng merkado. Pangatlo naman ang mga Amerikano sa 785,269 o 14.34 porsyento ng arrivals habang panlima naman ang mga Australians na may 206,443 o katumbas ng 3.77 porsyento.

“With the surge in Chinese and Indian arrivals, we are optimistic to hit the target of at least 6.5 million as set by the National Tourism Development Plan for 2017-2022,” pahayag ni DOT Secretary Wanda Corazon Tulfo-Teo.

Kumpara noong nakaraang taon, tumaas ng 39.28 porsyento ang mga Chinese arrivals habang ang mga turista mula India naman ay tumaas ng 20.28 porsyento.

“The department will continue an aggressive marketing efforts, including through social media. We will promote emerging or developing destinations to entice more visitors from across the globe,” sabi pa ng DOT chief.

Inilunsad ng DOT ang “It’s More Fun in the Philippine Farms” at muling binuhay ang “Bring Home a Friend” bilang bahagi ng istratehiya nito maabot ang 12 milyong tourist arrivals pagsapit ng taong 2022.

Florenda Corpuz / Pinoy Gazette