News TOP

News Detail

Tatlong Japanese films nag-world premiere sa 70th Festival de Cannes



Kabilang ang tatlong obra – ang “Blade of the Immortal” (Mugen no Jūnin), “Before We Vanish” (Sanpo suru Shinryakusha) at “Radiance” (Hikari) ng tatlo sa mga batikang direktor sa mundo ng contemporary Japanese cinema na sina Takashi Miike, Kiyoshi Kurosawa at Naomi Kawase bilang mga official selection sa iba’t ibang kategorya sa kamakailan lang na Festival de Cannes (Cannes Film Festival) – Out of Competition, Un Certain Regard at Main Competition. Idinaos sa Cannes, France ang ika-70 edisyon ng isa sa prestihiyosong international film festivals.

Miike’s 100th feature

Itinampok naman sa Out of Competition ang ika-100 obra, ang Blade of the Immortal ng kontrobersyal na direktor na si Takashi Miike na kilala sa kanyang magkakahalong film genres – martial arts, family-friendly, crime dramas, sexual themes, violent at disturbing thrillers. Ito rin ang muling pagbabalik ng direktor sa samurai genre. Base ito sa manga na parehas ang pamagat ni Hiroaki Samura at tungkol sa isang samurai na isinumpang maging imortal, si Manji (Takuya Kimura) at ang pakikipagsapalaran nito para mapalaya ang sarili sa pamamagitan ng pagpatay ng 1,000 masasamang kalalakihan.

Ang naturang pelikula ay siyang ikalimang pagkakataon na rin ni Miike sa Cannes Film Festival – “Hara-Kiri: Death of a Samurai” (Ichimei/2011 In Competition), “For Love’s Sake” (Ai to Makoto/2012 Out of Competition), “Shield of Straw” (Wara no Tate/2013 In Competition), at “Yakuza Apocalypse” (Gokudō Daisensō/ 2015 Director’s Fortnight).

Profoundly human tale of love and mystery

Nominado naman sa limang kategorya ng Un Certain Regard ang sci-fi-thriller na Before We Vanish ng internationally-acclaimed director ng “Tokyo Sonata” (2008 Cannes Film Festival - Un Certain Regard Jury Prize) at “Journey to the Shore” (Kishibe no Tabi) kung saan naman nanalo ng Best Director si Kiyoshi Kurosawa sa Cannes Film Festival Un Certain Regard 2015.

Gaya ni Kawase, isang regular fixture rin si Kurosawa sa Cannes, na unang napansin sa naturang festival sa “Kairo” (2001) sa parehas na kategorya. Bagaman kilala bilang horror master sa Japan at drama naman sa dalawang nabanggit na pelikula, ito ang unang pagkakataon na sumabak ang batikang direktor sa science fiction genre.

Base ang Before We Vanish sa theatrical play na parehas ang pamagat ni Tomohiro Maekawa, na unang itinanghal noong 2005. Tampok dito ang kwento ng nagkakaproblemang mag-asawa na sina Narumi (Masami Nagasawa) at Shinji Kase (Ryuhei Matsuda), at ang hindi maipaliwanag na pagkawala ni Shinji at pagbabalik nito na tila ibang tao na, na sinundan ng mga misteryosong kaganapan.

Sentimental musings on the power of sight

Isa nang frequent figure sa Cannes Film Fest ang cinematic naturalist na si Kawase, kung saan pito na sa kanyang mga pelikula ang itinampok sa naturang film festival – lima rito ang napabilang sa Main Competition para mapanalunan ang Palme d’Or, kabilang ang kanyang pinakabagong obra na Radiance na pinarangalan ng Ecumenical Jury Prize.

Tampok sa Radiance ang kwento nina Misako (Ayame Misaki), isang babaeng sinusubok ng pagkakataon sa pagkawala ng kanyang ama at inang may dementia, at nagtatrabaho sa isang studio bilang manunulat ng film audio descriptions para sa mga may kapansanan sa mata; at Masaya (Masatoshi Nagase), isang photographer na unti-unting nawawalan ng paningin at iniwan ng asawang muling ikakasal sa iba, na magtatagpo ang landas sa isang focus group screening.

Naipalabas na nitong Abril at Mayo ang Blade of the Immortal at Radiance rito sa Japan, samantalang sa Setyembre 9 pa ilulunsad sa bansa ang Before We Vanish.

PNA  

Pinoy Gazette Digital Edition